top of page

Vitoria Atlantica: Muling Pagkabuhay (Prologo)



UNTI-UNTING iminulat ni Elisa ang kanyang mga mata, hindi niya alam kung ilang gabi siyang tulog, basta’t ang huling eksenang naalala niya ay ang pagsugod ng mga mananakop mula sa dayuhang bansa. Bago pa man siya makatayo ay may eksenang pumasok sa isip niya. Isang panaginip.


Nakatayo siya sa gitna ng limang matatandang babae at lalaki, nakaupo ang mga ito sa kanya-kanyang mga trono na nakapalibot sa kanya. Madilim ang paligid ngunit ang makintab ng mga trono na gawa sa iba’t-ibang metal ang nagbibigay liwanag sa palgid. Wala siyang suot na kahit ano at kitang kita ang kahubdan niya. May matandang lalaki ana nakasuot ng asul na roba at may taklob sa ulo, nakaupo ito sa tanso na trono. Sa tabi nito ay matandang nakaputi. Ang huling matandang lalaki naman ay kulay pilak naman ang suot na roba.


At isang matandang babae naman ay berde ang suot habang ang isa ay pula. Nakatingin ang mga ito sa kanya.


“Sa takdang oras kung saan magmumulat ang iyong mga mata ay mapapasaiyo ang kapangyarihan ng mundo. Ngunit ang kapalit ay ang kakayahan mong mabuhay hanggang sa wakas ng panahon,” sambit ng lalaking nakaputi at tila may ibinato sa kanya na puting diyamante at pumasok iyon sa dibdib niya.

“Magigising ang iyong diwa kasama ang paggising ng mga kapangyarihang ibinigay sa iyo.” Sumunod naman ang matandang babaeng nakapula, tulad ng nauna ay may ibinato rin ito sa kanya ngunit kulay pula naman iyon.


“Ang pagsugpo sa kasamaan ang iyong magiging misyon.” Ang matandang lalaki naman ang nagsalita at ibinato sa kanya ang asul na bagay, pumasok rin iyon sa dibdib niya.


“Marami kang haharapin.” At itinapon sa kanya ang pilak.


“Ang mga lihim ay mabubunyag, may mga pusong masusugatan. At kung ikaw ay magtatagumpay, maisasakatuparan na ang lahat.” At ibinato sa kanya ang berdeng diyamante kasunod ang paglaho ng mga matatanda. Naramdaman niya ang sari-saring kapangyarihang bumabalot sa kanyang katawan, nais niyang sumabog. Mula sa kalahati ng kanyang katawan ay may gumapang na mga kurbang linya na kulay pula, asul, puti at berde. Mahapdi ang bawat panggapang na iyon, gusto niyang sumigaw ngunit walang lumalabas na tinig sa kanyang bibig. Nag-apoy ang kanyang katawan, mainit iyon ngunit hanggang sa napalitan ng matinding lamig dahil sa nabalutan iyon ng yelo. Nang mabasag ang yelo sa kanyang katawan ay may mga baging naman na lumabas mula sa kanyang mga kamay kasabay ang paglutang niya sa hangin.

Mula sa pagkakahiga sa kanyang malambot na kama ay naamoy niya ang halimuyak ng mga rosas. Punung-puno ng rosas ang kanyang silid. Isang mahabang bestidang asul ang kanyang suot at nakaputong pa rin sa kanyang ulo ang tiara. Dali dali siyang lumabas ng silid at hinanap ang kanyang alalay na si Desmund.


“Desmund! Nasaan ka?” Nagtungo si Elisa sa teresa at naroon ang hinahanap. “Desmund.”


“Reyna Elisa?!” lumingon ito sa kanya at bakas ang pagkagulat sa mga mata nito. “Nagising ka na.” niyakap ni Desmund si Elisa ng napakahigpit.


“Bakit? Anong nangyari? Umalis na ba ang mga mananakop?” sunud-sunod na tanong ni Elisa.


“Kamahalan,” inakay ni Desmund ang reyna patungo sa upuan. “Nasakop na ang Vitoria Atlantica sampung taon na ang nakalilipas.”


Nasapo ni Elisa ang kanyang dibdib. “Ano?! Anong nangyari?!”


“Sinakop ang ating bansa at hanggang ngayon ay hindi pa rin namin alam kung sinong hari ang nanakop. Pabagsak na ang ating kaharian at napakagandang sensyales na nagising ka na.”


“Babawiin ko ang kaharian!” Mula sa teresa ay kita niya ang kanyang kaharian, malapit na ngang maghirap ang Vitoria Atlantica at lalo nangalit ang kalooban niya nang makita ang mga lamang dagat na nakalutang sa maduming dagat-tubig.


“Desmund! Ihanda mo ang aking mga gamit, pati na si Cerena. Pupunta ako sa Uintera! Babawiin ko ang kaharian!” utos ni Elisa sa lalaki.


“Pero kamahalaan, mukhang nanghihina pa ho kayo. Bakit hindi po muna kayo mamahinga?” nag-aatubiling sagot ni Desmund.


“Matagal na akong namamahinga Desmund.” mariing sabi niya rito. Dali-daling sinunod ni Desmund ang utos ni Elisa. Nang matapos ang paghahanda ni Desmund ay nagsimula na ang paglalakbay ni Elisa.

Mula sa dalampasigan ay kitang kita ni Elisa ang malaking pagbabago ng kanyang kaharian. Ang Vitoria Atlantica ay ang pinakamatandang kaharian ng mundo, pinakamalakas at nang makatulog siya ng sampung taon dahil sa ‘di malamang dahilan ay nagbago ang lahat. Sakay sa kanyang kabayong si Cerena, ikinumpas niya ang kanyang kamay at nahawi ang tubig dagat at nagkaroon ng lupa upang madaan niya. Ang tanging transportasyon nila ay mga bangka at malalaking barko. Ang lupang tulay ay tanging nadadaanan at nakikita lamang tuwing mababa ang tubig dagat. Tumawid na si Elisa sa lupang tulay na ginawa niya upang magtungo sa kaharian ng Uintera upang humingi ng tulong.



Post: Blog2_Post
bottom of page